Dumilat s'ya. Bumangon, ngumiti. Alam n'yang magiging maganda ang araw pag sa kanyang paggising kanan at hindi kaliwang braso n'ya ang nananakit.
Pumunta s'ya sa mesa para maghilamos. Katabi ng tubig ang libro ni Bennasar tungkol sa wikang Tiruray. Regalo ito ni Ibarra, na kakagaling lang sa Mindanao. Binuklat n'ya ito, tiningnan ang ikatlong salitang binigyang kahulugan. Abas. Tigdas. Kakatwa. Pare-pareho talaga ang mga tao sa mundo. Nagkakasakit.
Umubo s'ya. Hinawi ang kanyang buhok. Hindi ito ang panahon para manghina. Marami s'yang kailangang gawin ngayong araw na ito.
Dumungaw s'ya sa bintana. Madilim. Wala pa sigurong alas tres.
Ilang segundong nag-isip kung dapat ba s'yang magdasal. Syempre, oo, dapat nga s'yang magdasal. Pero, pero, hindi rin s'ya dapat magdasal. Alam n'yang gagawa s'ya ng kasalanan sa araw na ito, at baka pabagsakin ng Diyos ang kanyang katawan, gamit ang kung anong sakit, o di kaya'y kidlat, kung hihingi s'ya ng lakas o tulong mula rito.
Hindi. Hindi. Bukas na s'ya magdarasal.
Mabilis s'yang nagbihis, saka lumabas sa kanyang kwarto, dala-dala ang munti n'yang lampara. Ilang palapag ang kanyang nilakad, palakas nang palakas ang suntok ng kanyang puso. Palalim nang palalim ang kapit ng mga di-makitang kuko sa kanyang kanang braso.
Pagkaraan ng ilang minuto, tumigil s'ya. Tumingin sa kanyang paligid.
Nauna s'ya.
Maaari kayang hindi pumunta ang kanyang hinihintay? At kung oo, s'ya ba mag-isa ang kailangang magsagawa ng napag-usapan nilang gagawin? Mayroon ba s'yang lakas? Mayroon ba s'yang tapang?
Naisip n'ya si Pia. Ano kaya ang sasabihin nito, kung ikukwento n'ya ang kanyang karuwagan? Ang panghihina ng kanyang mga tuhod. Ang panghihina ng kanyang loob. Mararamdaman pa kaya n'ya ang mga labi nito sa kanyang mga labi. Ang mga braso nito sa kanyang katawan. Matitingnan pa kaya n'ya nito nang may lambing sa mga mata? O Tiago na rin ba s'ya sa paningin nito, walang gulugod?
May gumalaw sa likod n'ya, ang tunog ay paggapang ng ahas sa damuhan. Nawala ang kanyang takot. Dumating ang kanyang kasama, at di man s'ya kasihan ng Diyos, hindi rin s'ya nag-iisa.
"Salvi," sabi n'ya.
"Verdolagas," sagot ng payat na lalake, maputla sa liwanag ng lampara. "Hindi ka dapat nagdala n'yan."
"At paano tayo makakakita?"
"Hindi pa ba nakaukit sa iyong utak ang mga hakbang ng ating tahanan?" May binubunot ito mula sa loob ng abito. "Heto, kunin mo."
"Anong–?" Naramdaman n'yang nanlaki ang kanyang mga mata. Liham ang hawak ni Salvi, liham sa kanya ni Pia! "Saan mo nakuha ito? Ninakaw mo sa akin!"
"Hinaan mo ang iyong boses, hangal!" bulong nito. "Nahulog mo 'yan, kagabi, nang nagkita tayo rito. Hindi na kita nahabol. Kung tatakbo ako'y baka may makarinig sa akin. Kung tatawagin kita'y baka may makahuli sa atin. Pinulot ko 'yan, itinago ko 'yan para protektahan ka. At ngayo'y ibinabalik ko, nang hindi ko nababasa."
Pinagmasdan n'ya ang pag-indak ng apoy sa mga mata ng kanyang kasama. Hindi n'ya mabasa ang mga mata nito. Blangko ang mga ito. Tila ba walang taong nakatingin sa mga bintana ng ulo. Tila ba walang kaluluwa ang kanyang kasama.
"Salamat," sabi n'ya.
Suminghot ito. "Halina. Nagsayang na tayo ng oras."
Sumunod s'ya rito.
"At patayin mo nga iyan!"
Sinunod n'ya ang utos nito. Sa totoo lang, hindi n'ya kailangan ang liwanag ng lampara, kaya n'yang maglakad dito kahit madilim, kahit pabaliktad. Nagdala s'ya ng lampara dahil kailangan n'ya ng gabay. Espirituwal na gabay. Hinawi n'ya ang kanyang buhok. Walang makakapaggabay sa kanya sa araw na ito. May katarungan pero walang batas para sa kanilang kailangang gawin.
Nang masanay na ang kanyang mga mata sa dilim, hindi s'ya sa sahig tumingin, kundi sa likod ng kanyang kasama. May liksi ang mga pigi nito, nakaposturang kuba sa paglalakad na para bang may susuguring kaaway. Hindi alagad ng Diyos ang dating, mas malapit sa sundalo. Pero hindi rin. Ang sundalo'y mandirigmang harapan kung lumaban. Ang isang ito'y...
Ang isang ito'y pareho ng kanyang nalalaman, at kapareho n'ya ng desisyon. Ang isang ito ay kanyang kaibigan.
Sumenyas si Salvi.
Kahit nakita n'ya na ito'y tuloy pa rin ang kanyang lakad hanggang sa katapat ng kanyang ilong ang buhok ng lalake. "Hindi pa rito ang kanyang kwarto," bulong n'ya.
"Alam ko." Hinarap s'ya nito. "Tumahimik ka."
Tumahimik s'ya. Lumipas ang mga segundo. Magsasalita na sana s'ya nang mayroon s'yang marinig. Umuubo. Naglalakad. Nang paikot? Mabigat ang mga paa nito sa kahoy na sahig. Katulad n'ya rin, marahil, nananaba. Ang bumibisitang si Florentino? Bahagi raw ito ng mayamang angkan mula sa ibang bayan. Nakilala n'ya, nito lang. May pamangking bata pa lamang ay nais na ring maging alagad ng Diyos. Maging pari.
"Dapa!" bulong ni Salvi. Nang hindi s'ya sumunod, hinila nito ang kanyang balikat.
"Ano b–"
Bumukas ang pinto ilang metro ang layo sa kanila. Si Florentino nga. Walang damit. Sumasayaw ang taba sa bawat ubo.
"Magbihis kaya s'ya, baka makatulong–"
"Wag kang maingay!"
"Sino 'yan? Sino 'yan!" Gumahak ito, saka dumura. "Sinong– A, mga bwiset!" Bumalik itong muli sa kwarto, ibinalibag pasara ang pinto.
Tumalon patayo at naglakad nang mabilis si Salvi.
Hindi na nito kailangang mag-utos. Sumunod na agad s'ya. Baka nga naman kung sino pa ang lumabas, baka nakahubad din, baka hindi lasing, baka iyong may sapat na diwa na makakapansin sa kanila.
Sa kanyang harap, natapilok ang kanyang kasama. Sumugod s'ya para alalayan ito. "At anong nangyari?" tanong n'ya habang tinutulungan itong tumindig, "Akala ko ba'y alam na alam mo na ang ating tirahan?"
"Nadulas ako sa dura," sabi nito, mainit ang hininga sa kanyang mukha. "Wag kang tatawa, alam kong masaya ka."
Nauna na lang s'ya sa paglalakad. Maputi ang kanyang mga ngipin, at baka mapansin nito ang kanyang pagngiti.
Kasabay nang pagdaan nila sa kusina, may tumilaok na manok.
"Alam ko na ang iniisip mo, at hindi, hindi tayo katulad ni San Pedro," sabi ni Salvi mula sa kanyang likod. "Tama ang ating gagawin."
Ang pakiramdam n'ya'y nasa batok n'ya ang dila nito. Bumilis ang kanyang paglalakad. "Alam ko. Kaya nga nauuna ako. At hindi, hindi si San Pedro ang nasa isip ko." Hinimas n'ya ang kanyang tyan.
"Bakit ba ang hilig mo sa tinola?" Tila humabol ito, ramdam n'ya ang lamig ng hininga nito sa kanyang leeg.
"At bakit hindi?" Hinawi n'ya ang kanyang buhok.
"Bakit hindi? Dahil wala itong lasa. At kung meron man, lasang luya. At kung masarap man ito, tulad ng sabi mo, hindi ko pa rin matanto kung ano ang gusto mo sa leeg!"
Hinawi n'ya ang kanyang buhok. "Maraming mahilig sa adobo. Maraming mahilig sa binti. Mahilig ako sa tinola. Mahilig ako sa leeg. May mga bagay, aking kapatid, na sadyang–nariyan. Bakit pa natin papakailaman kung wala namang nasasaktan."
"Hay, wag mo na akong ipilosopo. Para kang ang sira-ulong Tasyo na iyon! Panay ang sulat, sabi n'ya, para sa kinabukasan. Aba'y wala namang nakakaintindi kung sa kanyang wikang ginagamit!"
"Baka Tiruray."
"Ano?"
"Wala." Hinawi n'ya ang kanyang buhok.
"Isang hawi mo pa kakalbuhin kita!"
Napaigtad s'ya. Napansin na lang n'yang hawak n'ya ang lampara na parang kalasag sa tapat ng kanyang ulo. Hilig ni Pia na hawakan ang kanyang buhok, amuyin ito. "Galawin mo na ang lahat," sabi n'ya, "pero wag mong galawin ang buhok ko." Mas lalo pa n'yang binilisan ang kanyang paglalakad.
Tahimik lang sila, ang tanging tunog ay ang kanilang mga yapak at ang mga kuliglig.
Pagkatapos ng ilang minuto, nagsalita muli ang kanyang kasama. "Pupunta ka ba mamayang gabi sa piging ni Don Rafael?"
"Oo, oo." Nakapagtataka ang tawag ng iba kay Ibarra. Don. Hindi n'ya gusto ang titulong iyon. Mapagmalaki. Halos nga, mapang-api. Walang amo kung walang alipin, walang don kung walang utusan. Walang senyor kung walang muchacho. "At ikaw?"
"Hindi pa ako nakakapagdesisyon. Hindi ko gusto ang hugis ng mukha ng lalakeng iyon."
"Hugis ng mukha?"
"Mali, may mali. Para bang laging nakataas ang kanyang baba."
"Baka naman noo ang nakataas."
"A, oo. Tama ka, oo. A, talagang mahusay kang kausap. Nailalagay mo sa salita ang nasa utak ko pa lamang."
"Wala sa utak ang kailangan na nating gawin." Tumigil s'ya sa paglalakad. "Narito na tayo."
Pumwesto sa harap n'ya si Salvi. "Alam ko. Buksan mo ang pinto."
Ibinaba n'ya ang lampara sa sahig. "Ba't hindi ikaw?"
"Sige, ako, pero ikaw ang hahawak mamaya sa mga binti."
Napasinghot s'ya, tila ba ninakawan ng hininga. "Sige, sige na, ako na ang magbubukas. Pero, sa huling pagkakataon, tatanungin kita, tama ba ang gagawin natin?"
"Ngayon ka pa nagkaroon ng konsyensya!"
"Walang tao ang may karapatang kumitil ng buhay ng kapwa."
"Hindi ba tayo nagdebate kahapon, at kahapon ng kahapon, at noong nakaraang linggo?"
"Oo, pero–"
Sa dilim kita n'ya ang mga pangil ng kasama. Mas maputi ang mga ngipin nito. "Ang taong nasa loob ng kwartong ito'y nanggahasa!"
"Wala sa sampung utos ang pagbabawal sa panggagahasa. Pero naroon ang pagbabawal sa pagpatay."
"Nang hindi makatarungan!"
"Kai–"
"Kilala mo ako. Matagal na tayong magkasama. Higit sa lahat alam ko ang tawag ng laman, ang pagtataksil ng katawan sa kaluluwa. Alam mo na hindi man lang ako makatingin sa sakong, dahil alam ko ang magiging dulot nito sa akin. Ang lapit-lapit lagi natin sa kasalanan. Pero hindi natin ito nilalapitan. Dahil sa ating sumpa. Dahil sa salita nating binitiwan sa ngalan ng Salita."
"Per–"
"Kapag malaman ng mga indiong iyan ang ginawa ng kasama natin sa loob, kapag malaman ng mga indiong iyan kung kanino n'ya ginawa ang kanyang mga ginawa, alam mo ba kung ano ang tawag doon?"
"Tawag sa–?"
"Rebolusyon."
"Rebo–"
"Tayo, tayo kaibigan, ang tanging dahilan kung bakit hindi nag-aaklas ang mga indiong iyan. Wala silang tinapay na makain, pero meron silang ostya. Walang silang tinig sa gobyerno, pero meron silang salita ng Diyos. Wala silang awit ng kalayaan pero meron silang mga dasal. Tayo, tayo ang nagbibigay sa kanila ng dahilan na huwag humawak ng sandata. Ang misa, ang bibliya, ang pasyon, sa atin ang mga iyon. Pero kung ang isa sa atin ay makikita nila, mahahalata nilang hindi sumusunod sa mga utos na sabi nati'y kailangan nilang sundin, tayo ang mananagot. Sa Espanya. Sa Hari. Sa Diyos. Buksan mo na."
Bumuntong-hininga s'ya at itinulak pabukas ang pinto. Mabigat ito, at magaspang, para bang itinutulak pasara ng ibang pwersa mula sa loob.
Mabilis silang pumasok, at si Salvi ang nagtago ng kanilang gagawin mula sa mundo.
Sa dilim ramdam n'yang mas maraming laman ang kwartong ito kaysa ang sa kanya. Hindi lang mesa, hindi lang kama. Hindi lang simpleng paghihilamos at pagdarasal ang nagaganap sa kwartong ito. Nang masanay ang kanyang mga mata, at nakita na n'ya ang pagkakaiba ng mga varyason ng itim, tinapik n'ya si Salvi. Hinila s'ya nito papunta sa kama.
Wala nang senyas na kailangan, walang sali-salita. Gumapang ang mga kamay hanggang makapitan n'ya ang mga binti ng natutulog na lalake. At alam n'yang nakuha na ni Salvi ang unan nito, at ipinangtatakip na sa mukha nito, nang magsimulang manlaban sa mga binti, una'y pasipa, pagkatapos ay paatras, pagkatapos ay pagpapahingang hindi maaaring payagan. Saka pagtigil.
Pagkatapos ng ilang sandali, tulad ng kanilang napagkasunduan, nauna s'yang lumabas. Sinalat n'ya muli ang pinto, tila ba parang kuminis, at ang mga batong pader. Walang pagbilis sa tibok ng kanyang puso, at walang pawis–o luha!–sa kanyang mukha.
Nang lumabas si Salvi, ito ang nauna pabalik sa kusina.
"Hindi ba dapat may indiong nagbabantay dito?" sabi ni Salvi pagkatapos umupo.
Nanatiling nakatayo si Damaso. "Ay, hayaan mo na sila. Mas malaking kasalanan ang panggagahasa."
"At ang pagpatay?"
Bumulong s'ya. Kasabay ay ang pagtilaok ng ilang manok, sabay-sabay, sunod-sunod.
Tumango si Salvi. "Mauna ka na. Sige na. Hanggang marunong silang magsilbi sa atin, hanggang ginagawa natin ang gusto nating gawin, tama ka."
Minsan naiisip n'ya kung binabastos ba s'ya ng mas batang pari, o talagang mas mababa lang talaga ang tingin nito sa lahat ng tao sa mundo.
Mabilis ang kanyang pagbalik sa kwarto, kaya s'ya natapilok ng ilang beses, at isang beses ay nabangga ang kanyang kaliwang tuhod sa pader. Pagkahiga n'yang muli sa kanyang kama, saka lang ito nanakit.
Nakatulog s'ya. Mababang tulog. Sa kanyang panaginip may nakita s'yang lalakeng nakasalaming itim, may sinasakal na babae.
Ginising s'ya ng haplos ng sinag ng araw.
Masakit ang kanyang kaliwang braso. Bumangon s'ya, lumuhod katabi ng kama at nagsimulang magdasal.
Si U Z. ELISERIO ay nagtuturo ng popular na kultura sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Nalathala na ang kanyang mga kwento sa Philippines Free Press, Philippines Graphic, at Sunday Times Magazine.