Tampok na Tula: Ito (Gitna) ni Nathaniel Derosa

13 June 2011
Tampok na Tula: Ito (Gitna) ni Nathaniel Derosa
(Note: Bilang pagdiriwang ng araw ng kalayaan ng Pilipinas, maglalathala kami ng mga akdang isinulat sa Tagalog/ Filipino sa buong buwan ng Hunyo. Basahin lamang ang aming panawagan para sa Tampok na Tula/ Kuwento sa link na ito.)

Ito (gitna)

Hindi iyon, kundi ito.
Itinituro, dinuduro.

Ito siya— isang dayuhan.
Ito ang kanyang pangalan;
ibubulong ko sa yo: Lowlita.

Gusto niya ang salitang ito.
Gusto niya ang ideya ng pagkamalapit:
halimbawa, ito ang aking pinagmulan.

(Umupo siya sa isang gilid sa isang lugar na walang kalagitnaan. Mayroong bungad, dulo, tagiliran, naglaho ang pagitan. Cosmopowlitan, ang sabi niya, sabay buga ng usok na hindi nakuhang punuin ang kalawakan. Sa malawak na espasyong ito, alam niyang kapag nagkasalubong ang dalawang tao, hindi na ito maaaring mangyari sa parehong oras at pagkakataon. Ngunit hindi pag-ibig ang hanap niya sa lugar na ito. Gusto lamang niyang manigarilyo.)

Hindi rin upang makilala
ang sarili, ang ako.

Gusto niya ang pagkakataong ito:
ang walang gitna, walang kaibuturan.
Sa mas malawak na espasyo,
nadaragdagan ang kanyang kalayaan.
Nagmimistulan siyang isang butil ng buhangin—
walang pagkatao, hindi makilala, walang pinagkaiba.

(Humithit siya at hindi pinakawalan ang usok. Ang mga kamay niya ay hindi tulad ng kay Pandora.)

Ngunit sa huli ay naisip niya: walang ito
kung pag-uusapan ang espasyo.


Si NATHANIEL DEROSA ay kasalukuyang nasa Estados Unidos at kumukuha ng creative writing (low residency). Sumusulat siya sa wikang Inggles at Tagalog. Tinatapos niya ang isang kalipunan ng mga tula para kay Lowlita, isang Filipino American.
Related Opportunities:
Ranked: 500 highest-paying publications for freelance writers
The Freelance 500 Report (2015 Edition, 138 pages) profiles the highest-paying markets, ranked to help you decide which publication to query first. The info and links in this report are current. Details here.