Tampok na Tula: Ang Kristo na Walang Ulo ni Christopher S. Rosales

30 June 2011
Tampok na Tula: Ang Kristo na Walang Ulo ni Christopher S. Rosales
Apoy na kumalat ang lawiswis ng balitang
nawawala ang ulo ng Kristo sa kapilya.
Nagsumabog ang hindik sa buong bayan
ng Calasiao. Nag-umpugang kaserola
ang bawat hugong ng tsismisan.
Kahapon, kagabi nangyari ang nakawan, usal ng isang tindera
habang binubugaw ang nagkalat na langaw
sa sariwa-ngunit-bilasa niyang talakitok at tamban.
Salot, gagapang ang salot, bigkas naman ng magtataho
na si Mang Ildefonso. Lilingkisin ng peste ang bawat bukirin,
maglalaho ang tubig sa pusod ng bawat balon.
Sa isang bahagi ng simbahan, talulot na namukod
ang isang matandang babaeng salikop ang ulo
ng itim na belo; paulit-ulit sa pag-usal ng Anima Christi.
Habang sa isang gilid ng nagliliyab na kalsada,
sa ilalim ng nagnanaknak na tanghaling-tapat,
dumidipa-dipa ang isang nakaluhod na sutana;
ibinabayubay sa hangin ang leeg at bisig
kasabay ng pagluha ng labintatlong kandila.
Pater Noster qui es in caelis, sanctificetur nomen tuum.
Adveniat regnum tuum. Fiat voluntas tua, sicut in caelo
et in terra. Panem nostrum quotidianum da nobis hodie . . .

Mamayang gabi, ikaw naman ang dudulog.
Maglalakad ang iyong palad sa pulunan ng rosaryo,
pababa sa gilid ng inaalikabok na Bibliya,
patungo sa batya ng agua bendita
sa nangingiming pakpak ng anghel sa kapilya.
Hahalik ka sa altar at kusang magsasalita ang iyong
bibig alinsunod sa marahan mong pagbuklat sa lalamunan
ng tangan mong SM plastik bag.
Ngunit agaw-buhay na ang aking anak.
Iadya Mo kami sa lahat ng masama.
At ika’y maluluha nang biglang magsabog
ng nakabubulag na liwanag ang pugot na Kristo,
ang pinugutan mong Kristo kagabi,
sa mapaghimalang sandaling iyon.

Iaabot ng dibuhong nabibihisan ng araw
ang isang kaputol na bahagi ng gawa-sa-ginto Niyang braso.
Para kay Buboy, bigkas ng Liwanag. Para kay Buboy.


Si CHRISTOPHER S. ROSALES ay 18 taong gulang at isang DOST Scholar na kasalukuyang kumukuha ng kursong Electronics Engineering sa Technological University of the Philippines-Manila. Siya rin ang Associate Editor ng The Philipine Artisan, ang Official Student Publication ng TUP na miyembro ng College Editor’s Guild of the Philippines (CEGP). Nakapag-uwi na siya ng dalawang ginto sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature noong 2010. Ito ay sa kategoryang Maikling Kuwentong Pambata (Si Berting, ang Batang Uling) at Kabataan Sanaysay (Gulayan Klasrum). Naging Finalist na rin siya ng Romeo Forbes Children’s Story Writing Competition 2011 para sa lahok na May Naninirahang Gubat sa Aking Balat.
Related Opportunities:
Ranked: 500 highest-paying publications for freelance writers
The Freelance 500 Report (2015 Edition, 138 pages) profiles the highest-paying markets, ranked to help you decide which publication to query first. The info and links in this report are current. Details here.