Tampok na Kuwento: Pitong Leyenda ni Diego Dimajuli ni Christoffer Mitch C. Cerda

28 June 2011
Tampok na Kuwento: Pitong Leyenda ni Diego Dimajuli ni Christoffer Mitch C. Cerda
Pitong Leyenda ni Diego Dimajuli(1)

Ang Agimat(2)

Naglalakad ang binatang si Diego sa daang nilililiman ng mga punong nakatanim sa hacienda. Papunta siya noon sa batis upang sumalok ng tubig. Bago siya umalis ng bahay ng kanyang amo, pinagalitan siya’t pinarusahan ng kanyang amo dahil hindi na naman niya sinunod ang utos ng Don. Inutusan ng Don si Diego na hulihin ang lahat ng ibon sa lupang pagmamay-ari ng Don dahil ang mga ibon ay salot sa kanilang pananim.

Labindalawang beses siyang pinalo ng Don at nang matapos na sa pamamalo ay nagpasalamat at namaalam na si Diego upang sumalok ng tubig. At dinampot niya ang banga at nagsimulang maglakad patungo sa batis(3).

Sa kalagitnaan ng daan, nakarinig siya ng tinig. Hinihimok siya ng tinig. “Halika, Diego. Halika.”

At ibinaba ni Diego ang kanyang dalang banga at hinanap ang pinanggagalingan ng tinig. Dinala siya ng tinig tungo sa kagubatan. Doo’y nagpakita sa kanya ang isang diwata at tinanong siya, “Ayaw mo na bang mapalo ng Don?”

“Ayaw ko na po,” sagot ni Diego.

At itinuro ng diwata ang lupa sa paanan ng isang puno at sinabi nito kay Diego, “Maghukay ka roon.”

At naglaho ang diwata mula sa kanyang paningin. At naghukay si Diego sa paanan ng puno. Naghukay siya nang naghukay hanggang maggabi. Naghukay siya nang naghukay hanggang magdugo ang kanyang mga daliri. Subalit hindi siya nawalan ng loob at bago mawala ang buwan mula sa kalangitan, isang agimat, ang kanyang natagpuan(4).

At isang tinig ang nagsalita, “Mapapasaiyo ang kapangyarihan ng langit, lupa at tubig hangga’t nasasaiyo ang agimat na iyan.”

“Ngunit saan ko gagamitin ang agimat na ito?” tanong ni Diego.

“Sa pagtulong sa lahat ng nangangailangan,” sagot ng tinig.

“Ngunit paano ko sila matutulungan?” tanong ni Diego.

“Sa pagbibigay sa kanila ng liwanag,” sagot ng tinig. At naunawaan na niya ang kanyang kailangang gawin. At hindi na siya nakita ng kanyang mga magulang at ng Don. Tanging ang bangang dala niya noong umagang iyon ang natagpuan ng mga magulang ni Diego sa kanilang paghahanap.

Si Diego at ang Labindalawang Tulisan(5)

Mayroong labindalawang tulisan na kinatatakutan ng lahat. Wala silang ginagalang. Ninanakawan nila kung ano mang dumaraang karwahe at kalesa sa kanilang teritoryo, hinihila man ang mga ito ng kabayo o kalabaw, sinasakyan man ng mayaman o mahirap. Naging malaking suliranin ang mga tulisan para sa pamahalaan ngunit hindi mahuli-huli ang mga tulisan na nagtatago sa kagubatan at kabundukan.

Isang araw, nagulat na lamang ang mga tulisan nang makabalik sila sa kanilang kampo pagkatapos ng isang matagumpay na panghaharang at pagnanakaw. Natagpuan na lamang nila ang isang lalaking nagpakilalang si Diego Dimajuli na naghihintay sa kanilang pagdating.

“Ano’ng ginagawa mo dito?” tanong ni Manuel Tabas(6), ang nagsisilbing pinuno ng mga tulisan. Siya ang pinakamalakas at ang pinakamatapang sa kanila.

“Kilala na kayo sa halos buong kapuluan,” simula ni Diego. “Ngunit hindi maganda ang ginagawa ninyo. Kailangan ninyong tigilan ang pagnanakaw sa mga mahihirap. Hindi ba sapat na ang pagnanakaw sa mga mayayaman?”

At natawa ang lahat ng mga tulisan sa kanyang sinabi. “At narito ka ba para utusan kami?” tanong ni Manuel.

“Hindi. Narito ako para kumbinsihin kayong naririto na mayroong higit na tamang landas,” sagot ni Diego.

“Hindi kami nakikinig sa isang taong hindi namin nasusukat ang pagkatao’t kakayahan,” sabi ni Manuel. “Patunayan mo muna ang iyong galing sa amin at saka kami makikinig sa iyo.”

“At ano ang kailangan kong gawin?” tanong ni Diego.

“Tatlo lamang na pagsubok,” sagot ni Manuel(7).

“At ano ang mga pagsubok na ito?” tanong ni Diego.

Para sa unang pagsubok, dinala ng mga tulisan si Diego sa tabing-ilog. Doon, sa gitna ng mga naglalakihang mga bato, hinamon siya ng mga tulisan na buhatin ang isa sa malalaking bato at ihagis ito sa kabilang pampang. Nagtawanan ang mga tulisan dahil wala naman talaga sa kanila ang kayang gawin ito. At namangha’t nagulat sila nang buhatin ni Diego ang pinakamalaking bato sa tabing-ilog at inihagis sa kabilang pampang. Nginitian sila ni Diego at nagtanong, “At ano ang pangalawa ninyong pagsubok?”

Para sa pangalawang pagsubok, sinamahan ng anim na tulisan si Diego at binaybay nila ang tabing-ilog habang naglakad naman ang iba pang tulisan sa salungat na direksiyon. Nang hindi na halos makita nang bawat grupo ang isa’t isa, binigyan si Diego ng pana at sinabihang kailangan niyang tamaan ang dahon ng sampalok na nakapatong sa ibabaw ng isang bato kung saan naroroon ang kabilang grupo ng mga tulisan. At natawa ulit ang mga tulisan dahil alam nilang wala naman talaga sa kanila ang kayang gawin ang pagsubok na iyon. At namangha’t nagulat lamang sila nang pakawalan ni Diego ang pana at tamaan ang dahon ng sampalok sa kabilang dulo ng ilog. At sa sobrang lakas ng pagkakatama ng pana, bumaon ito’t biniak ang batong pinagpapatungan ng dahon ng sampalok. Nginitian ni Diego ang mga tulisan at tinanong, “At ano ang huli ninyong pagsubok?”

Bumalik sila sa kampo ng mga tulisan at doon ibinigay ang huling pagsubok. “Sagutin mo ito,” sabi ni Manuel at nagbigay siya ng isang bugtong, “Isang bugtong na bata, hindi mabilang ang diwa.”

Matagal na nag-isip si Diego at tahimik na naghintay ang mga tulisan. Hindi nagtagal ay sinagot ni Diego ang bugtong, “Bugtong, bugtong ang sagot sa bugtong na iyan(8).”

At nakapasa si Diego sa lahat ng mga pagsubok at mula noo’y sa mayayaman na lamang nagnanakaw ang mga tulisan at ibinibigay ang sobra sa mahihirap.

Si Diego at ang Matandang Mag-asawa(9)

Mayroong matandang mag-asawa na nakatira sa bayan ng Santa Ana. Kaaani pa lamang noon ng palay at nakaani sila ng labing-anim na kaban ng palay nang dumating ang Maylupa upang kunin ang kanyang hati. Kinuha ng Maylupa ang kalahati ng ani mula sa mag-asawa at umalis siyang nakangiti. Sunod na dumating ang Kabesa para kunin ang buwis at kinuha niya ang kalahati ng natitirang ani ng mag-asawa at umalis siyang nakangiti. Dumating naman ang Prayle upang manghingi ng donasyon para sa bagong batong simbahan ng bayan. Kinuha ng Prayle ang kalahati ng natitira sa ani ng mag-asawa at umalis siyang nakangiti. At dalawang kaban na lamang ang natira para sa mag-asawa. Nagpaikot-ikot ang kanilang isipan kung paano nila palalawigin ang kanilang naani upang makaabot sa susunod na anihan ang kanilang makakain.

Isang hapong magtatakipsilim na, may dumating na labintatlong lalaki sa kanilang tahanan. Naghahanap ang mga lalaki ng matutuluyan at nagpaumahin ang pinuno ng mga lalaki sa kanilang panghihimasok. Ngunit walang atubiling ipinatuloy ng mag-asawa ang labintatlong lalaki sa kanilang kubo kahit nagsisiksikan na sila roon. Naghanda ang mag-asawa ng hapunan. Tumulong ang labintatlong lalaki at nalaman nilang kakaunti lamang ang bigas ng mag-asawa. Nahiya ang mga lalaki nang malaman ito at muli silang nagpaumanhin at sinabing aalis na sila. Ngunit nagpumilit ang mag-asawa na patuluyin at patulugin ang mga lalaki sa kanilang kubo. Tinanong ng pinuno ng mga lalaki kung bakit kakaunti na lamang ang kanilang bigas at ikinuwento ng mag-asawa kung paano kinuha ng Maylupa, Kabesa at Prayle ang malaking bahagi ng kanilang ani.

Kinabukasan, hindi agad umalis ang mga lalaki. Kinumpuni nila ang kubo ng mag-asawa. Inayos nila ang bubong at dingding. Naghanap din ang mga lalaki ng mga talbos na pandagdag sa kakainin ng mag-asawa. At nagpasalamat ang mga lalaki sa kabaitan ng mag-asawa at nagpasalamat din ang mag-asawa sa mga lalaki at umalis na ang mga lalaki.

Isang Linggo, naglakbay ang mag-asawa patungo sa simbahan upang magsimba. Sa daan, nakasalubong nila ang Maylupa, sinisigawan ang mga sundalo na nasa tabi ng daan. Galit na galit ang Maylupa dahil may nagnakaw kagabi sa kanyang bahay at tahimik na kinuha ang lahat ng ani ng kanyang lupa. Sunod nilang nakasalubong ang Kabesa, pinalilibutan ng mga sundalo at makikita ang takot sa kanyang mukha. Noong gabi, may mga taong pumasok sa kanyang tahanan at maingay na ginulo ang kanyang buong bahay at winasak ang kanyang mga kagamitan. Nang dumating na mag-asawa sa simbahan, nagtaka silang hindi pa nagsisimula ang misa na madalas hindi na nila naaabutan ang simula dahil sa layo ng kanilang tahanan mula sa simbahan. Nahuli ang pagdating ng Prayle sa simbahan. Sa homiliya, nangaral ang Prayle sa kasamaan ng pagnanakaw at ikinuwento mismo ng Prayle ang pagnanakaw sa simbahan at kung paanong itatapon sa impiyerno ang lahat ng magnanakaw dahil isa iyong paglabag sa Sampung Utos ng Diyos.

Umuwi na ang mag-asawa, takang-taka sa nangyari sa Maylupa, Kabesa at Prayle. At nagulat sila nang makabalik sila sa kanilang kubo dahil natagpuan nilang punong-puno iyon ng mga sako ng bigas. Isa iyong himala. At doon naging malinaw sa kanila na ang mga lalaking tumuloy sa kanila’y si Diego Dimajuli at ang kanyang mga alagad(10).

Pagnanakaw ng mga Baril(11)

Isa sa mga kapangyarihang pagmamay-ari ni Diego Dimajuli ang pagbabanyuhay(12). At nakita ang kakayahan na ito nang nakawan ng mga baril ang Kuta ni San Miguel Arcangel. Noong gabi ng nakawan, masusing nakabantay ang lahat ng mga sundalo ng Kuta ni San Miguel.

Sa daan patungo sa kuta, nagbabantay ang anim na sundalo. Mula sa di kalayuan, nakita nila ang isang lalaking nakatayo sa gitna ng daan at naliliwanagan siya ng buwan. Sumigaw ang isa sa kanila at tinanong ang lalaki kung sino siya. Ngunit hindi sumagot ang lalaki. At nakita nilang magbagong anyo sa ilalim ng liwanag ng buwan ang lalaking iyon. Mula sa pagiging tao’y naging isang malaking kalabaw ang lalaki. At sumugod ang kalabaw na dating tao patungo sa mga sundalo. Pinaputukan ng mga sundalo ang kalabaw ngunit hindi ito natamaan at hindi tumigil sa pagsugod. Tumalon at napadapa ang mga sundalo para hindi masuwag ng kalabaw. At habang tuliro dahil sa pagsugod ng kalabaw, doon nila namalayang napalilibutan na sila ng dalawang dosenang lalaking may hawak na baril at tabak. At muli nilang nasaksihang magbagong-anyo ang kalabaw at naging tao muli.

Nagbabantay naman sa palibot ng kuta ang limampung sundalo. Narinig na nila ang mga putok mula sa malayo at alertong naghihintay sa kung ano man ang dumating. Biglang naglaho ang buwan sa likod ng makakapal na ulap at tanging ang liwanag ng mga sulo ang nagbibigay-liwanag sa kanilang paligid. At sa paglaho ng buwan, nagsulputan ang mga aninong hugis tao sa palibot ng kuta. Lalapit ang mga anino sa pinakahangganan ng liwanag ng mga sulo at biglang mawawala. May ilang sundalong nagpaputok sa mga anino ngunit wala silang natamaan. Doon nagpakita sa iba’t ibang bahagi ng kuta ang isang pusang itim. At nagtaka ang mga sundalo dahil una nilang pagkakataon iyong makakita ng isang pusang itim sa Kuta ni San Miguel. At magpapakita’t maglalaho ang pusa hanggang mabalot ng pagkalito’t pagkatakot ang lahat ng sundalo sa kuta(13).

At biglang nagkagulo ang buong kuta. Tatlo sa mga sundalo ang natagpuang sugatan at natagpuan ding bukas at ninakawan ang silid na pinaglalagyan ng mga baril. At nakita ng tatlong sundalong sugatan kung paano nagbagong anyo ang limang pusang itim, nagsanib upang maging isang anino’t maging isang tao. Natulala sila sa kanilang nakita. At dahil sa pagkamangha’y nasugatan sila’t pinagtataga ng taong iyong mas mabilis pa sa hanging bagyo kung kumilos. At pinaghahanap sa buong kuta ang pinagpuntahan ng taong nagnakaw ng mga baril(14). At habang hinahanap ng mga sundalo ang magnanakaw, lumabas na ang buwan mula sa likod ng makakapal na ulap. At nakita ng mga sundalo na puno ang langit ng daan-daang paniki. At nakita ng mga sundalo, sa tuktok ng isang tore ng kanilang moog, na nakatayo ang isang taong may dalang sako na puno ng mga baril. At sa liwanag ng buwan, nakita nila ang pagbabagong-anyo ng taong iyon at naging isang malaking paniki. At dala ang mga baril, lumipad ang malaking paniki kasama ng iba pang mga paniki palayo ng kuta. At nakasisigurado ang lahat ng saksi na si Diego Dimajuli ang lalaking nagbagong anyo.

Ang Gumagalang Kaluluwa ni Diego Dimajuli(15)

Isa iyong madilim na araw sa kasaysayan ng buong Catalina. Inisip ng lahat na katapusan na ng mundo’t iniwan na ng Diyos ang San Gabriel dahil sa kawalan ng pananampalataya ng taumbayan. Balot ng kamatayan ang kabukiran at sinumang lumabas sa kaligtasan ng Catalina’y siguradong madadapuan ng kasamaan, na tila sinasapian ang lahat ng masamang espiritu at gagawin nila ang lahat upang makagawa ng masama sa kanilang kapwa. At malinaw na ang punong pinanggagalingan ng kasamaang ito’y si Diego Dimajuli.

Unang naranasan ang kadilimang ito nang lumikas ang mga prayle, opisyales at maylupa mula sa mga bayan-bayanan patungong Catalina. Kumalat ang balita ng pagpatay sa mga prayle’t mga opisyales(16) sa iba’t ibang bayan at sa pagsamsam ng pagmamay-ari ng mga maylupa. At ang lahat na lumaba’y pinapatay at sinusunog ang bangkay.

At napuno ang buong Catalina ng kadiliman at kawalang-pag-asa. At noon nagsimula ang pagpapakita ni Diego Dimajuli sa mga panaginip ng mga taga-Catalina. Iba’t ibang mga tao, mula sa mga maylupa hanggang sa mga trabahador, ang binibisita ni Diego Dimajuli at inuudyok silang gumawa ng masama. At hindi napigilan ng mga taong labanan ang mga gabi-gabing pang-uudyok at araw-araw ay may nababalitaang krimeng nangyayari sa Catalina—mga pagnanakaw, pagpatay, at panggagahasa. At lahat ay umamin na si Diego Dimajuli ang nag-udyok sa kanilang gawin ang mga krimeng iyon, na sinasapian sila ng kanyang masamang espiritu(17). At nahirapan ang mga prayleng tanggalin sa Catalina ang gumagalang kaluluwa ni Diego Dimajuli dahil buhay pa siya at napakalakas ng kanyang impluwensiya.

Hindi na lamang ang panganib mula sa labas ng Catalina ang bumalot sa isipan ng mga taga-Catalina, maging ang panaginip ay naging mapanganib. At dumating ang balita na parating na mula sa kabukiran at kabundukan si Diego Dimajuli kasama ng kanyang hukbo upang sakupin ang Catalina. At nabalot ng takot ang buong Catalina ngunit wala nang matatakbuhan pang ibang lugar ang mga tao. At wala na silang maaasahan pang tulong dahil sa pagdating ng tatlong barkong Ingles na umatake sa Kuta ni San Miguel(18). At nang makita na sa abot-tanaw mula sa hangganan ng Catalina ang hukbo ni Diego Dimajuli, maraming nagpakamatay at malinaw na dinalaw sila ng kaluluwa ni Diego Dimajuli at inudyok silang magpatiwakal. Ngunit marami ang nanatiling naniniwala sa kapangyarihan ng Diyos at nagdasal ang mga tao ng mga nobena para sa kaligtasan ng kanilang kaluluwa sa pagdating ng katapusan ng mundo. At nang dumating ang isang malakas na bagyo’y inisip lamang ng mga taga-Catalina na bahagi iyon ng katapusan ng mundo, isang panimula para sa pagdating ng marahas na katapusan sa kamay ng hukbo ni Diego Dimajuli. Ngunit isang milagro ang nangyari nang mawala na ang bagyo at biglang dumating ang mga sundalo mula sa Kuta ni San Miguel(19) at isang malaking labanan ang nangyari sa pagitan ng mga sundalo at ng mga kampon ni Diego Dimajuli. At natalo’t nataboy si Diego Dimajuli at malinaw na dininig ng Diyos ang mga dasal ng mga taga-Catalina(20). At nagmistulang isang paglilinis at pagbibinyag ang bagyo upang muling makapagsimula.

Ang Pagtataksil kay Diego Dimajuli(21)

Walang kinatatakutan si Diego Dimajuli. Hindi pana. Hindi itak. Hindi sibat. Hindi bala. Hindi kanyon. Wala siyang kinatatakutan maliban sa mga nilalang na walang anino. Sinasabing nakatagpo isang gabi si Diego Dimajuli ng isang aswang na walang anino at naglaban sila ng buong gabing iyon. Walang nilikhang anino ang aswang na kasinlaki ng isang kalabaw sa ilalim ng liwanag ng buwan. Napakalakas ng aswang at muntik nang sumuko si Diego Dimajuli kundi dumating ang bukangliwayway at agad na tumakas ang aswang upang hindi maabutan ng sinag ng araw. Mula noon ay naging maingat si Diego Dimajuli sa pagmamasid sa mga anino ng mga taong nasa paligid niya dahil naniniwala siyang maaaring ang aswang na iyong kanyang kinalaban ay magbalik upang tapusin ang kanilang laban(22).

At isang araw ay napansin ni Diego Dimajuli na walang anino ang isa sa kanyang mga alagad. Isa sa mga nagbabantay ng kanilang armas at pagkain ang lalaking iyong walang anino. Natakot si Diego Dimajuli dahil baka nakawin ng aswang na nagpapanggap na alagad niya ang mga armas nila at lasunin ang kanilang pagkain. Agad niyang pinaalis ang lalaking walang anino sa sala ng pagnanakaw ng kanilang pagkain bagaman hindi ito totoo. Subalit hindi nagtagal isa pang alagad ang nakita niyang walang anino at agad niya rin itong pinaalis. Pagkatapos paalisin ang pangalawang alagad na nawalan ng anino, agad na nagpasya si Diego Dimajuli na maglipat ng pinagtataguan ang kanyang hukbo upang malito ang aswang at hindi na siya muling matagpuan. Nang inaakala na ni Diego Dimajuli na hindi na siya muling natatagpuan ng aswang ay nakakita siya ng isa pang alagad na walang anino nang minsang nanggaling siya mula sa paliligo sa ilog. At nakakita pa siya ng isa pang alagad na walang anino noong minsang padalhan siya nito ng pagkain. Agad niyang pinaalis ang mga alagad na ito. Subalit kahit na anong gawin niya’y palagi siyang nakakakita ng isang alagad na walang anino. At walang tigil siya sa pagpapaalis at pagpapatalsik sa mga alagad na biglang nawalan ng anino hanggang ang matira na lamang ang pinakapinagkakatiwalaan niyang mga alagad.

Hanggang dumating ang isang araw na isa mismo sa orihinal na labindalawa ay nawalan ng anino, si Manolo Carpio. At nag-atubili si Diego Dimajuli sa pagpapatalsik kay Manolo dahil sa matagal nilang pagsasama. Tinangka niyang makausap si Manolo subalit bigla na lamang itong nawala sa kanilang kampo. Hinintay niya si Manolo na bumalik kasama ang aswang. Nagbalik nga si Manolo subalit imbes na aswang ang kanyang dala ay mga sundalo ang kanyang kasama upang mahuli na sa wakas ang di mahuli-huling si Diego. Nagkaroon ng isang madugong labanan sa pagitan ng mga sundalo at ng mga alagad ni Diego. Maraming namatay na mga sundalo subalit sa huli’y walang naitulong ang mga agimat ni Diego at ng kanyang mga alagad. Nahuling sugatan si Diego Dimajuli at doon natapos ang kanyang pagkikipaglaban—tinapos ng isang taong walang anino(23).

Pagbitay at Muling Pagkabuhay(24)

Mabilis na kumalat ang patalastas sa buong Catalina at sa mga karatig na bayan—sa ika-21 ng Enero, sa takdang oras na alas diyes ng umaga ay bibitayin sa Plaza Catalina si Diego Dimajuli. Sa itinakdang araw na iyon, bago pa man sumingaw ang araw at kumampana ang kampanaryo, pailan-ilang tao ang dumating at naghintay sa plasa. Nakatayo na ang pagbibitayan subalit wala sa mga unang dumating ang lumapit dito. Sa paglipas ng oras ay unti-unting napuno ang plasa. Iba’t ibang uri ng tao ang dumating para saksihan ang pagbitay—lalaki, babae, bata, matanda, peninsulares, criollo, indio at Tsino. Nagsiksikan ang mga tao roon sa plasa at nag-akyatan ang iba sa mga puno. Maging ang mga bahay na malapit sa plasa ay nagbukas ng kanilang mga bintana at nagsiksikan na rin doon sa bintana ang mga taong nakadungaw. At pinangibabawan ng walang tigil na bulungan ang plasa. Tumigil lamang ito nang simulang ilabas si Diego Dimajuli mula sa munisipyo ng Catalina. Lumabas ang mga sundalo upang hawiin ang mga taong nagsisiksikan at lumikha ng daan papunta sa bitayan. Maririnig ang pag-alingawngaw ng pagkalansing ng posas at kadena ni Diego Dimajuli dahil sa sobrang tahimik ng mga taong naroroon sa plasa. Taimtim na pinanood ng mga tao ang paglakad ni Diego Dimajuli patungo sa bitayan—ang kanyang bawat paghakbang, ang kanyang bawat pagkurap, ang bawat pagkislot sa kanyang mukha. Pagdating sa bitayan, walang damdaming nakita ang mga naroroon sa mukha ni Diego Dimajuli. Walang takot, lungkot o panghihinayang sa kanyang mukha. Tila pa nga napakatiwasay ng kanyang mukha na tila ba hindi siya natatakot mamatay o inaasahan na niya ang pagdating ng araw na ito. Tinanong siya kung mayroon ba siyang nais sabihin at umiling lamang siya. Tinalukbungan ang kanyang ulo at ipinulupot ang lubid sa kanyang leeg. Nanatiling walang imik ang mga taong naroroon. At nagulat na lamang ang mga naroroon nang biglang buksan ang sahig na kinatatayuan ni Diego Dimajuli. Kumisay-kisay si Diego Dimajuli sa pagkakabigti at habang kumikisay siya ay tumigil din ang hininga ng mga taong naroroon. Nakahinga na lamang muli ang mga nakasaksi sa pagbitay kay Diego Dimajuli nang tumigil na siya sa pagkisay(25). Hinayaan lamang si Diego Dimajuli na nakabitin doon upang siguraduhin ang kanyang pagkamatay at bilang tanda sa lahat ng mga nakasaksi na kamatayan ang makakamit ng mga suwail at tulisan.

Hinayaan lamang na nakabitin ang katawan ni Diego Dimajuli kahit nakaalis na ang mga tao sa plasa. Hinayaan lamang na nakabitin ang katawan niya kahit magtatakipsilim na. Hinayaan lamang na nakabitin ang katawan niya kahit nakalipas na ang dalawang araw. Hinayaan lamang na nakabitin ang katawan niya kahit nagsisimula na itong mangamoy. Subalit walang nagreklamo o pumansin sa katawang nakabitin. Nagpatuloy ang buhay sa Catalina hanggang pagdating ng ikatlong araw ay biglang nawala ang katawan sa pagkakabitin nito mula sa bitayan. Inakalang ibinaba na ito ng mga sundalo subalit nagpayao’t dito ang mga sundalo sa paghahanap sa katawan ni Diego Dimajuli. Tinanong nila ang mga nakatira sa mga bahay at sa mga tindahang malapit sa plasa kung may nakita ba sila na kumuha sa katawan. Subalit walang nakasaksi sa mga tao roon kung sino ang kumuha sa katawan. Sa sumunod na mga araw ay kumalat sa mga taga-Catalina kung ano ang maaaring dahilan ng pagkawala ng katawan ni Diego Dimajuli. Marahil may isang dating alagad si Diego Dimajuli na hindi na makayanan na nakabitin sa bitayan ang kanyang dati pinuno kaya siya na lamang ang kumuha nito at naglibing. Marahil may isang dating mangingibig si Diego Dimajuli na nalungkot sa pagkamatay ni Diego at ninais niyang makuha ang katawan ni Diego kahit katawan na lamang ang kanyang maaari. Marahil may isang mangkukulam ang kumuha sa katawan ni Diego Dimajuli upang alamin ang lihim ng kanyang agimat dahil kahit nahuli’t nabitay si Diego ay baka mayroon pa rin itong nalalabing kapangyarihan.

At naalala ng mga tao ang agimat ni Diego Dimajuli. Ano na nga ba ang nangyari rito? Mayroon kaya sa isa sa mga alagad niya ang nagnakaw nito kaya siya nahuli? Mayroon kaya sa isa sa mga sundalo ang nakakuha ng agimat nang mahuli si Diego? Di kaya suot-suot ni Diego ang kanyang agimat nang bitayin siya(26)? Higit na nakakatakot ang huling tanong na ito dahil maaaring hindi namatay si Deigo sa pagbitay o kung namatay man siya ay maaaring muli siyang binuhay ng kanyang agimat. At di nagtagal ay maraming kuwento ang kumalat na nagsasalaysay na buhay si Diego Dimajuli. Na mayroon daw panadero ang nakakita’t pinagbentahan ng tinapay si Diego. Na mayroon daw karpintero na tinulungan ni Diego sa pagtatrabaho sa isang itinatayong tahanan. Na mayroon daw mangingisda na nakasaksi kay Diego na lumalangoy sa gitna ng bagyo. Na mayroon daw magsasaka na iniligtas ni Diego sa nahuhulog na bunga ng niyog. At kumalat ang kuwento mula sa Catalina patungo sa mga karatig na bayan hanggang halos buong San Gabriel. Na nakita si Diego Dimajuli sa buong kapuluan. Naging malinaw sa lahat na hindi namatay si Diego Dimajuli. Na walang kayang pumatay sa kanya hangga’t walang nakakakuha ng kanyang agimat. At kahit hindi nila nakita, maraming tao ang ikukuwento ang mga kuwentong naririnig nila. Kahit na lumipas ang mga taon, ikinukuwento pa rin nila ang mga kuwentong naririnig nila dahil umaasa sila sa pagbabalik ni Diego Dimajuli(27).


Mga Tala:

(1) Tinitipon dito ang ilan sa mga leyenda tungkol kay Diego Dimajuli, tulisan para sa kolonyal na gobyernong Espanyol at isa sa mga pambansang bayani ng Republika ng San Gabriel. Pinagdebatihan namin ni Allie kung isasama ba namin ang mga leyendang ito sa aming kalipunan gayong hindi talaga ito isang dokumento tulad ng liham ni Gobernador-Heneral Muñoz. Subalit itinala ang walong leyenda na ito ni Jean Portefaix, isang mangangalakal na Pranses na dumako rito sa kapuluan ng San Gabriel noong 1778 at umalis noong 1782, at inilathala sa kanyang légende de l’orient noong 1790. Kung gayo’y isa mahalagang kalipunan ito dahil itinatala rito ang naging popular na damdamin ng mga Gabrielano para kay Diego Dimajuli. At bagaman nabuhay noong taong 1740-45(?) hanggang 1779, marami pa ring mga leyenda tungkol kay Diego Dimajuli ang buhay na buhay hanggang ngayon. Sa huli’y sumang-ayon din sa akin si Allie sa pagpupumilit kong isama ang mga leyendang ito sa aming kalipunan. At dahil nakasulat sa Pranses, ako ang nagsalin nito at hindi si Allie dahil nag-aral ako ng Pranses noong nasa kolehiyo ako. Pero aaminin kong hindi pa rin naman ako ganoong kabihasa sa wikang Pranses. Kaya humingi pa rin ako ng tulong kay Allie at sa dati kong guro sa Pranses, kay Fr. Alexandre Montreaux, SJ.

(2) Kahawig ng leyendang ito ang isang dagling lumabas sa makabayang pahayagang Manunubos noong panahon ng mga Amerikano. Malinaw na tinutukoy dito ang simulain ni Diego Dimajuli bagaman sa realidad ay kakaunti lamang ang nalalaman tungkol sa pinagmulan ni Diego Dimajuli. Ang mismong pangalan niya’y hindi alam ng mga historyador. Tanging ang pangalang Diego ang siguradong kanya at pinaniniwalaang isinilang siya sa bayan ng Hiblahan bagaman nasunog ang talaan ng simbahan sa isang sunog noong 1750. Nakuha niya ang apelyidong “Dimajuli” dahil sa mahabang panahon na hindi siya mahuli-huli ng pamahalaang kolonyal at maaaring nagmula sa maaaring pagtawag sa kanya bilang “Diegong di-mahuli.” At makikita ito sa unang dokumentong nagbabanggit kay Diego Dimajuli, isang sulat ni Gobernador-Heneral Luciano de Andalusia sa Viceroy ng Mexico noong 1766.

(3) Ayon sa sulat ni Jean Portefaix sa isang kaibigan at kasosyo sa Marseille, “Ang mga indio dito ay puno ng katamaran, o iyon ang gustong paniwalaan ng mga namamahalang maylupa, pari at Kastila. Sa ganitong pag-iisip, kinakailangan silang parusahan at pangaralan sa lahat ng pagkakataon kung hindi’y magbabalik sila sa kanilang natural na kalagayan ng bisyo’t kasalanan.”

(4) Sa iba’t ibang mga leyenda, maraming mga paglalarawan kung ano ba talaga ang hitsura ng anting-anting ni Diego Dimajuli. May nagsasabing isa itong pangil ng aso na ginawang kuwintas, maraming nagsasabi na isang tatô ang kanyang anting-anting na bumabalot sa kanyang buong katawan. May mga nagsasabi na nilulunok niya ito o di kaya’y ininom o kinain. Kung ano man, ang anting-anting na ito ang sinasabing sanhi ng mga kakaibang kapangyarihan na mayroon si Diego Dimajuli tulad ng paglipad, pagbabanyuhay para maging iba’t ibang uri ng hayop, maging anino o maging hangin.

(5) Tinatangkang ipaliwanag ng leyendang ito kung paano naging tulisan si Diego Dimajuli at paano niya nagawang pamunuan ang kinikilalang “Unang Labindalawa.” Bagaman maaaring tingnan na isa lamang itong varyasyon sa kuwento ni Hesukristo, itinatala sa mga naging sulat ni Gobernador-Heneral Andalusia na miyembro si Diego Dimajuli ng labintatlong tulisang unang nakilala sa Hiblahan nang nakawan ang isang pagawaan ng tela noong ika-1 ng Hulyo, 1765. Kaya’t bagaman matalinghaga ang paggamit sa bilang na labindalawa, mayroon itong historikal na katotohanang pinagbabatayan.

(6) Isa sa kinikilalang unang naging alagad ni Diego Dimajuli si Manuel Tabas. Namatay siya sa labanan sa Burol Peñaloza. Bagaman nakapangalan sa isang Espanyol na heneral ang burol, nakatayo sa burol na iyon, na isa nang subdibisyon, ang isang rebulto ni Manuel Tabas at ng iba pang alagad ni Diego Dimajuli na namatay sa larangan noong ika-3 ng Disyembre, 1777.

(7) May mga bersiyon na humihiling lamang ng isa o dalawang pagsubok habang may iba naman na humihingi ng apat at mas marami pa. May bersiyon na ginawa itong laro at isang walang katapusang pagsubok ang kakaharapin ni Diego hanggang mapagod na ang mga kalahok at tatapusin na lamang ang leyenda sa “At nagtagumpay si Diego sa lahat ng mga pagsubok na iniharap sa kanya at mula noo’y sumunod na ang mga tulisan sa Dakilang Diego Dimajuli.” Ang kalahok na nagbigay ng pinakamaraming pagsubok na malalampasan ni Diego Dimajuli ang nagwawagi. Kalimitang nilalaro ang bersiyon ng leyendang ito sa mga lamay. Minsan ko nang nalaro ito noong lamay ng isang kaibigan. Inabot nga naman kami ng magdamag at talong-talo ako sa larong iyon. Ayon kay Paul Reed, isang Amerikanong antropologo, nilikha ang larong ito dahil ipinakikita sa leyenda na kayang lampasan ni Diego Dimajuli ang ano mang pagsubok at sa gayo’y kaya ring lampasan ng mga manlalaro ang mga pagsubok. At para sa mga nagluluksa, na maaaring nakararanas ng matinding lungkot, isa itong mabuting aral.

(8) Paiba-iba ang bugtong sa iba’t ibang bersiyon ngunit kung ano man ang bugtong ay palagi itong nasasagot ni Diego.

(9) Mahirap malaman kung ano nga ba talaga ang mga saloobin o paniniwala ng mga pangkaraniwang Gabrielano tungkol sa mga tulisang tulad ni Diego Dimajuli dahil sa kakulangan ng dokumento. Subalit mahihinuha sa leyenda na ito, kung ituturing itong salamin ng saloobin ng mga ordinaryong Gabrielano noong mga panahong iyon, na posibleng tinitingnan sila bilang mga bayani kung hindi man tagapagtanggol ng mga inaapi.

(10) Ayon kay Gobernador-Heneral Andalusia, upang mailihim ang pamimigay ng mga nanakaw ni Diego Dimajuli, isinasabay ang pamimigay sa mga pista ng iba’t ibang bayan. Mahirap daw malaman kung ang mga ginagastos sa pagdiriwang ay bunga ng pagpapagod ng isang karaniwang mamamayan o ambon mula sa krimeng ginawa ng mga tulisan.

(11) Pinagbatayan ng leyendang ito ang mapangahas na pagnanakaw ng mga baril sa Fort San Miguel. Marahil karapat-dapat ngang gawing leyenda ito dahil isang milagro at walang nahuli sa pagnanakaw na iyon sa hanay ng mga alagad ni Diego Dimajuli. Nang tanungin namin si Rufus, isang tour guide sa San Miguel, kung may alam ba siya tungkol kay Diego Dimajuli na nangyari sa Fort San Miguel ay ikinuwento niya ang isang bersiyon ng leyendang ito. Sabi pa nga niya, hanggang ngayon ay nakakakita pa rin ang mga guwardiya ng isang itim na pusa tuwing gabi. Multo kaya iyon ni Diego Dimajuli?

(12) Sa isang sulat ni Gobernador-Heneral Andalusia unang binanggit ang tungkol kay Diego Dimajuli at binabanggit din dito ang kakayahan niyang magbanyuhay. Ayon sa sulat, hinahabol ng mga sundalo si Diego at ang ang kanyang mga alagad sa Ilog Lumbay noong Setyembre ng taong 1767. Parehong nakasakay sa mga bangka ang mga sundalo at si Diego at ang kanyang mga alagad. Hinabol ng mga sundalo si Diego sa isang sanga ng ilog kung saan wala nang matatakbuhan pa ang mga tinutugis. Subalit nang maabutan ng mga sundalo ang mga bangkang sinasakyan nina Diego Dimajuli at ng mga alagad niya, wala na ang mga itong laman. Agad na ginalugad ng mga sundalo ang paligid subalit wala silang nakita o nahuli. Tanging nakita lamang daw nila sa tubig ay mga buwaya. Sinabi ni Gobernador-Heneral Andalusia na nakatulong ang mga buwaya sa pagtakas ni Diego Dimajuli dahil natakot ang mga sundalong lumusong sa tubig. Ayon kay Gobernador-Heneral Andalusia, “Nabalot ng takot ang mga sundalo at inakalang nagawang maging buwaya ng mga tulisan at agad na kumakalat sa usap-usapan na may kakaibang mahika ang mga tulisan.” Sa paglipas ng mga taon, kay Diego Dimajuli iuugnay ang kakayahang ito ng pagbabanyuhay.

(13) Isang personal na anekdota: ginabi kami noon ni Allie sa pananaliksik sa Museo ng San Miguel. Wala nang masyadong kotse sa daan at nahirapan kaming makakuha ng taxi. At sa gitna ng paghihintay, may isang itim na pusa ang nagpakita sa amin. Nabigla kami kasi hindi namin nakita kung saan nanggaling ang pusa. At sa aming paghihintay, parang binabantayan kaming dalawa ni Allie ng pusa. Nang makakita na kami ng taxi, bigla na lang nawala ang itim na pusa. Hindi namin nakita kung saan iyon nagpunta. Kinaumagahan, nabalitaan namin na isang lalaki ang pinatay malapit sa museo noong mga oras na iyon. Iyon ba ang sinasabi ni Rufus na itim na pusa ni Diego Dimajuli?

(14) Pinaniniwalaang nakapagnakaw si Diego Dimajuli ng higit sandaang baril. Binabanggit ni Gobernador-Heneral Andalusia ang pagnanakaw sa kanyang sulat bagaman hindi niya binabanggit ang bilang ng baril na ninakaw.

(15) Sa leyendang ito, na naging isang kontrabida si Diego Dimajuli. Nagsimula ang ganitong tono sa “Pagnanakaw ng mga Baril” bagaman dito talaga naging tiyak ang pagiging “masama” ni Diego Dimajuli. Hula nami’y maaaring nagsimula ang leyendang ito sa hanay ng mga higit na nakakataas sa lipunan, tulad ng mga pari, ng mga principalia at ng mga Espanyol, na tinitingnan si Diego Dimajuli na isang kaaway.

(16) Posibleng tinutukoy nito ang pagpatay kay Padre Nestor de Villarojo ng bayan ng Calilim 1769 at kay Don Tomas Canlas ng bayan ng Maicauaian noong 1774.

(17) Ayon sa dokumento ng mga paghahatol noong mga panahong iyon, na matatagpuan sa isang artsibo sa Madrid, pinatawan ng mga hukom ang mga sinasabing “sinapian” ni Diego Dimajuli ng isang magaan na hatol. Si Crisostomo del Castro, isang lalaki na pumatay at nanggahasa, ay hinatulan lamang ng isang linggong pagkakakulong at isang multa na nagkakahalagang dalawampung piso.

(18) Kalagitnaan ng Digmaang Rebolusyunaryo sa Amerika sa pagitan ng Inglatera at Pransiya, naipit ang Espanya bilang kakampi ng Pransiya sa labanang ito. Sa ibang bahagi ng mundo, nasakop ng Inglatera ang Maynila sa Pilipinas at tinangkang gawin din iyon dito sa San Gabriel.

(19) Subalit di tulad sa Pilipinas, nataboy ang mga Ingles dahil na rin sa tulong ng bagyong dumating at ni isang butil ng San Gabriel ay hindi napasakamay ng mga Ingles.

(20) Tinutukoy dito ang labanan sa pagitan ng mga sundalo sa pamumuno ni Gobernador-Heneral Hernan Peñaloza, na ilang buwan pa lang ang lumilipas nang makarating sa San Gabriel, at sa mga alagad ni Diego Dimajuli. Bagaman armado ng mga baril ang hukbo ni Diego Dimajuli, higit na nakalalamang sa pagsasanay ang mga sundalo at pinamumunuan sila ng isang magaling na heneral na tulad ni Gobernador-Heneral Peñaloza. Naging walang kaduda-duda ang pagkatalo ni Diego Dimajuli dahil mula sa limandaang alagad, sandaan lamang ang nakatakas sa labanang iyon.

(21) Pagkatapos ng labanan sa pagitan ni Diego Dimajuli at ni Gobernador-Heneral Hernan Peñaloza, humina nang lubos ang kapangyarihan ni Diego Dimajuli. At dito kumagat sa mga pabuya ang ilang mga dating alagad ni Diego Dimajuli upang arestuhin siya. Nahuli si Diego Dimajuli noong ika-28 ng Disyembre, 1778 sa kagubatan na malapit sa San Joaquin.

(22) Ginagamit ni Jean Portefaix dito ang salitang “asuang”. Ipinakikita rin dito ang sinasabing natatanging takot ni Diego Dimajuli. Matagal at mahaba ang usapan namin ni Allie tungkol sa aswang na ito. Ano nga ba talaga ang naging dahilan ng pagkatalo ni Diego Dimajuli? Pagtataksil nga lamang ba? Masyado bang nagtiwala si Diego sa kanyang mga kasamahan? O wala nga ba talagang kakayahan si Diego na pamunuan, tulad ng hinuha ng maraming historyador, ang isang organisasyong binubuo ng libo-libong katao?

(23) Ibinigay kina Manolo Carpio, Esteban Hila at Tadeo Ponson ang pabuya sa pagkakahuli kay Diego Dimajuli. Ginamit nila ang perang iyon upang makaalis ng San Gabriel dahil sigurado silang hahabulin sila ng mga matatapat na alagad ni Diego Dimajuli. Pumunta sila sa Pilipinas at doon ay muli siyang nagsimula ng isang bagong buhay. Subalit kumalat din ang leyenda na gabi-gabing minumulto sila ni Diego Dimajuli at lahat sila’y namatay sa bangungot.

(24) Binitay si Diego Dimajuli noong ika-21 ng Enero, 1779. Ang petsang ito ay isang pambansang bakasyon. Bagaman batay sa katotohanan ang pagkakaroon ng labindalawang alagad ni Diego Dimajuli, malinaw dito na ginagamit ang imahen ni Hesukristo at ang arketipo ng isang Messiah.

(25) Isang larawang iginuhit ng isang di-pinangalanang pintor at pinaniniwalaang iginuhit noong 1850 ang naglalarawan sa parehong eksenang ito. Makikita ito sa Museo ng San Miguel at madalas namin itong makita ni Allie noong mga panahong madalas kaming dumalaw doon. Kakaiba ang talas at dami ng detalyeng nakaguhit doon. Nakabitay na si Diego Dimajuli sa bitayan at punong-puno ang plasa ng mga tao. At makikita sa mukha ng mga nakasaksi ng pagbitay ng iba’t ibang damdamin mula pagkalito, pagkalungkot at pagkabigla.

(26) Maraming libro, pelikula at palabas sa telebisyon ang pinagbatayan ng anekdotang ito. Ang isang palabas sa telebisyon, na pinamagatang “Ang Tagapagmana”, ay tungkol sa isang binatang nakakuha ng isang anting-anting na kanyang ginagamit upang ipagtanggol ang kanyang mga kababayan at mga kaibigan.

(27) Isa itong leyenda na si Jean Portefaix ang mismong nagsulat. May ilang mga leyenda na pumapatungkol sa pagkamatay ni Diego Dimajuli subalit ibang-iba ang bersiyong ito kumpara sa leyendang naitala noong panahon ng mga Amerikano. Ang haka ko’y isinasalaysay dito ang mga kuwentong narinig ni Portefaix mula sa mga tao pagkatapos bitayin si Diego Dimajuli. Pero nakapagtataka na ginawa niya itong isang leyenda imbes na isang ulat. Ayon kay Allie, baka masyadong di kapani-paniwala ang mga narinig niyang kuwento tungkol sa pagbitay ni Diego Dimajuli at isinulat na lamang niya sa anyo ng leyenda ang mga nangyari pagkatapos bitayin si Diego Dimajuli. Sa gayon ay hindi siya pararatangang nagsisinungaling dahil isa lamang itong katha.


Si CHRISTOFFER MITCH C. CERDA ay kasalukuyang guro sa Kagawaran ng Filipino ng Pamantasang Ateneo de Manila. Nagtapos siya ng BFA Creative Writing at MA Literature (Filipino) sa parehong pamantasan. Inilathala ng NCCA sa tulong ng AILAP ang kanyang kalipunang pinamagatang "Paglalayag Habang Naggagala ang Hilaga at Iba Pang Kuwento" bilang bahagi ng UBOD New Authors Series II.
Related Opportunities:
Ranked: 500 highest-paying publications for freelance writers
The Freelance 500 Report (2015 Edition, 138 pages) profiles the highest-paying markets, ranked to help you decide which publication to query first. The info and links in this report are current. Details here.