Tampok na Kuwento: Umaga ni Chuckberry J. Pascual

05 June 2011
Tampok na Kuwento: Umaga ni Chuckberry J. Pascual
(Note: Bilang pagdiriwang ng araw ng kalayaan ng Pilipinas, maglalathala kami ng mga akdang isinulat sa Tagalog/ Filipino sa buong buwan ng Hunyo. Basahin lamang ang aming panawagan para sa Tampok na Tula/ Kuwento sa link na ito.)

BANYAGANG KONSEPTO PARA KAY Noli ang orasang biyolohikal. Hindi ito kailanman tinaglay ng kanyang limitadong bokabularyo, gayong isinasabuhay niya, sa pamamagitan ng kanyang araw-araw na gawain, ang bawat kaltis ng orasan sa loob ng kanyang yayat na katawan.

Dahan-dahan, tumayo sa banig si Noli, iniingatang walang matabig na mga gamit, lalo na ang mga de-latang masakit dumapo sa bumbunan at lalo, upang huwag magising ang mga himbing pang katabi: ang kanyang ina at dalawang nakababatang kapatid. Ilang sandali na lamang at kakailanganin na rin nilang bumangon. Magbubukas na kasi ang tindahan, hindi sila maaaring manatiling nakahandusay sa sahig.

Ilang taon na rin silang ganito, mula nang aksidenteng mahulog sa kanal ang kanyang ama at hindi na muling natagpuan. Napilitan silang lumisan sa nirerentahang kuwarto. Nakiusap ang kanyang ina sa nakakatanda nitong kapatid na si Tiya Violeta, na kung maaari’y makisukob muna sila hanggang makadama ng kaunting ginhawa. Kung ibabatay sa edad, nag-aaral na dapat ang anim na taong bunso, pero hindi pa rin dumarating ang patuloy nilang inaasahang ginhawa, kaya patuloy pa rin silang nakikitira. Patuloy sa pagtanggap ng labada ang ina ni Noli, habang si Noli at ang mga kapatid ay naging utusan ng pamilya ng kanyang tiya.

Sa loob ng masikip na banyo, hindi na nanibago ang mga teinga ni Noli sa mga panimulang dahak ng tambutso ng mga traysikel na nagpapainit ng makina bago ang paglarga sa ilalim ng gumigising pa lamang na araw. Nakakasabay talaga niya sa pagkuskos ng dumi ng kahapon sa peklating balat ang pagdahak ng mga plemahing tambutso. Sadyang maaga siyang maligo. Mahirap nang makipagkompetensiya sa paggamit ng banyo sa umaga. Hindi siya mananalo sa mga tanghaling gumising at parating nagmamadaling pumasok sa trabaho na mga anak ng kanyang Tiya Violeta.

Kahit nasa kalagitnaan siya ng paghuhugas ng madikit na tae sa puwit, tatayo siya sa inidoro, kesehodang mamantot ang salawal, para makaligo ang mga pinsan. Hindi rin siya makakaangal sa mag-asawang nangungupahan sa isang kuwarto sa ikalawang palapag. Nagbabayad ang mga ito para sa makagamit ng banyo. Pakikisama ng isang kadugong bahagyang nakakaangat sa buhay ang tanging pasaporte ni Noli at ng kanyang pamilya. Hindi puwedeng bilangin, mas nadadama pa ang puwersa ng hangin.

Pero hindi nagrereklamo si Noli. Para sa kanya, mas mabuti pa rin ang lagay nilang mag-iina kaysa iba. Kahit papaano, mas malambot ang humiga sa banig at semento ng bahay (at tindahan) na pag-aari ng may kasungitang tiyahin kaysa inilatag na mga diyaryo sa bangketa. At higit sa lahat, ikinatutuwa ni Noli na marami siyang nakikilalang mga tao bilang tindero.

Hindi man nagkakalapit ang kanilang mga puso, hindi man nagkakahingahan ng mga problema sa buhay, sumasapat na kay Noli ang relasyong nakabatay sa mga tinging produkto. Alam niyang Sunsilk ang shampoo ni Michelle, ang nag-iisang anak ng biyudong si Atty. Ortega. Alam niyang mahina ang sikmura ni Obet, kaya malimit itong bumibili ng Diatabs. Kabisado niya kung may darating na bisita si Mang Nicodemus, dahil nagpapabili ito kay Oyo, ang matandang katulong, ng pulutan at inumin, na madalas ay mani, chicharon, kornik at apat na Emperador. Nahahalata rin niya kung naaatrasado ang padalang dolyar ng asawang nagtatrabaho sa Hong Kong ng mayabang na si Nato. Bigla kasi itong napapautang ng kape at asukal. Parati, sa umaga ito umuutang. Nahihiyang makita ng ibang kapitbahay ang rupok ng ipinagmamalaking naipong yaman. Madalas nakakasabay ni Nato ang inaanak na si Raymond.

Si Raymond. Nagmadali sa paliligo si Noli nang maalala ang paboritong parukyano. Nasa ikatlong taon sa kolehiyo pa lamang si Raymond. May kaya ang pamilya nito, halata sa kutis na tila hindi pa natitikman ng lamok, sa pananalitang banayad at astang hindi mayabang: hindi ito nagdalawang–isip na tawaging Kuya si Noli, kahit noong unang araw pa lamang niya sa pagtitinda sa Violette’s Sari-sari Store. Sa halip na mainsulto dahil dalawampu’t isang taon lamang ang edad, tinanggap ni Noli ang “kuya” bilang pamilyar na salitang nagdurugtong sa kanilang dalawa ng binatang may maamong mukha. Dagdag pa, lagi itong mabango at nakapostura tuwing nakikipaghuntahan sa kanya sa umaga, tungkol sa kung anu-anong bagay.

Ilang minuto lang naman ang itinatagal ng kanilang mga mababaw na usapan sa umaga, pero higit ito sa anumang relasyong mayroon si Noli sa ibang bumibili sa sari-sari store. Kung hindi lamang siya magiging malisyoso ay iisipin niyang itinatangi rin siya ng binata. Lalo na sa tuwing humahalakhak ito sa mga biro niya. Ang tawa nang tawa ay gustong mag-asawa, sasabihin nga niya kay Raymond minsan. Tingnan kung ano ang magiging reaksyon nito.

Inalis na ng kanyang ina ang mga kahoy na tabing sa bintanang bumubukas sa kalye, kung saan bumibili ang mga tao. Winalis niya ang sementong higaan nila sa gabi. Magkatulong na tiniklop ng mga nakababatang kapatid ang kanilang banig sa isang sulok, katabi ng mga unan. Kinuha ni Noli ang pinakaibabaw na monoblock sa talaksang nakasiksik sa likuran ng ref na bigay ng supplier ng Coke, at inilagay sa tapat ng bintana. Umupo siya at inumpisahang ayusin ang hilera ng mga plastik na garapon sa pasimano ng bintana.

Hindi pa nag-uumpisang matuyo ang bagong hugas niyang buhok nang makitang papalapit si Chona, panganay na anak ni Mang Gerry. Bumili ito ng sardinas na hindi maanghang. Tulad ng dati, nanghiram ito ng abrilata at doon sa tindahan mismo binuksan ang lata ng sardinas.
“Anak, anong luto ng itlog ang gusto mo?” tanong ng kanyang ina.

Bago pa makasagot si Noli ng “binating itlog,” narinig na niya ang pagbati ng boses na inaabangan tuwing umaga. Kasama ng boses, isinaboy ng hangin ang amoy ng dinurog na dahong pinabula sa sabong pampaligo: ang simoy ng ligaya ng kanyang mga umaga.

“Hi, kuya.”

Tulad ng dati, sandali siyang napatanga bago nakasagot: “Hi, Raymond. Anong bibilhin mo?”

“Wala naman. May ibibigay lang ako sa iyo.”

Magpakasal na tayo: muntik nang tumalon ang mga salita palabas sa nakangiting bibig ni Noli. Mabuti na lang at naging ugali niyang magtakip ng bibig tuwing ngingiti o kaya ay nabibigla.


KAIBA SA KANYANG MGA kapamilya, matalik ang relasyon ni Raymond sa kanyang orasan. Hindi lalampas sa isang minuto ang pagitan ng pagtili nito eksaktong alas singko y medya ng umaga at ng kanyang pag-iinat sa kama. Matagal nang nalaos kay Raymond ang konsepto ng pag-iinin. Sayang ang mga sandaling ginugugol sa pagtunganga sa kama, sa paghihintay dumapo ng siglang kinakailangan sa bawat umagang ipinapakilala ng pagtili ng orasan.

Madalas, nauuna pa siyang gumising sa kanyang ina. Kaya inako na niya ang gawain ng pagmamando kay Vina, ang katulong na naghahanda ng aalmusalin ng pamilya. Siya ang unang naliligo at dahil sadyang binibilisan ang kilos, pagdatal sa hapag ng mga magulang at nakatatandang kapatid, na pawang pupungas-pungas pa ng alas sais kinse sa umaga, hinihintay na lamang ni Raymond ang pagbusina ng kotseng maghahatid sa kanya sa pinapasukang kolehiyo.

Hindi naman dating ganito ang kanyang gawi. Mahigit apat na buwan pa lamang na isinusuot ni Raymond ang ganitong kasipagan sa pagsalubong sa bukang-liwayway. Apat na buwan na rin kasing hindi mapalis ang silab na perpetwal na nakalukob sa bagong tuklas niyang katawan.

Madalas niyang sabihin sa matalik na kaibigang si Victor: Ikaw ang lamok na nagbigay sa akin ng sakit.

Malaki ang pagpapasalamat ni Raymond sa pagtitiyaga sa kanya ng kaibigan, lalo na sa panahon ng pag-aalinlangan sa sarili. Batid rin niya: wala siyang anumang uri ng sakit. Ang lagnat na palaging nasa piling ay natural para sa sinumang kaedad niya. Tama ang kanyang kaibigang si Victor: biyaya ng pag-amin ang tapang at liwanag. Hindi na nagdurugo ang kanyang puso sa mga katagang ilang beses ding umunday ng saksak sa mga pagkakataong pinawalan ng mga taong hindi nakakaunawa: Bakla! Bakla!

Naumid na ang kanyang dila sa pangangatwiran (na madalas sinusundan ng sapilitang pagsisinungaling para magpatunay) sa iilang mga nakikinig: Ganito lang talaga akong kumilos, ma-finesse. Ang totoo niyan, crush ko nga si Jenny. Tingnan mo siya. Gusto ko ang mga mata niya. Saka…magaling siyang magdamit, di ba?

Nakakatitig na siya nang diretso sa komprontasyunal na mga mata ng Raymond na nasa salamin. Hindi na iniinda, kundi niyayakap na ng puso nang buong-buo at bandilang iwinawagayway pa ang salitang dati’y matalim na kutsilyong tumatarak: Bakla! Bakla! Ang dating mapagpaumanhing dila’y natuto ng wika ng kapangyarihan, ng wikang eksklusibo, na madalas kainggitan ng mga biglang namamangmang.

Tila siya dating nakamakapal na salamin, na biglang nabiyayaan ng linaw ng mata. Nagliwanag ang paligid, tumalas ang mga hugis, tumingkad ang kulay. Namukadkad ang bulaklak ng kanyang donselyang pagnanasa. Kahit saan sa paglingon ni Raymond: kalalakihang gumigising, nagpapakislot, sa lamang kaytagal nahimbing.

“Late bloomer ka na nga, kung tutuusin. Siyam na taon pa lang ako, kabisado ko na ang pangalan ng lahat ng cute boys sa school namin,” sabi sa kanya minsan ni Victor.

Pero nahuli man, hindi nahayok si Raymond. Likas na romantiko ang kinasanayang tibok ng puso. Hindi basta-basta nagpapadala sa puyos ng puson. Nananatili pa rin siyang birhen. (Sa lahat ng butas! madalas niyang itili sa mga makukulit.) Gusto niyang ialay ang unang danas sa taong mahalaga, tunay na itinatangi. Sa taong korong inaawitan ng pagmamahal at kamunduhan.

Natagpuan ni Raymond ang lalaking hanap sa lugar na todong hindi inaasahan napakaromantiko talaga!): sa harapan ng tarangkahang kulay asul ng bahay nina Mang Vergel at Aling Menchie, dalawang pinto lamang mula sa kanila, at katapat ng tindahan nina Aling Violy. Bumibili siya ng shampoo noong inianunsyo ng sunud-sunod na kahol ng aso ang matikas at pantay na pagkatanim ng mga paang nasasapnan ng sapatos na balat na kulay itim ng lalaking nakalingon sa kaliwa, tinatanaw ang dulo ng kalyeng nagluluwa ng paisa-isang traysikel na madalas kaysa hindi, may pasahero. Naniningkit ang mga mata ng lalaki sa pagsino sa mga nagmamaneho ng mga dumaraang traysikel. Panay ang sulyap sa relong sumisilip-silip sa ilalim ng mahabang manggas sa kanan (nakatutuwang katangian). Kala-kalahating sulyap lang sa mukhang may matangos na ilong at makapal na kilay ang sumapat para malaglag ang puso ni Raymond sa bangin ng lihim na pagmamahal sa bagong tuklas na kapitbahay.

Ito na nga ba si Wilson? Ang dating matabang binatang nakakalaro ng kanyang kuya sa mga paliga ng basketball sa barangay? Kaytagal ngang nanlabo ng mga mata niya, para ngayon lamang mapansin ang lalaking kaytagal nang nanahan sa kanyang mga panagimpan.

Mabuti na lamang, nakapangunyapit sa huwisyo, hindi nabitiwan ang hawak na pera kaya tagumpay na idinaan na lamang ni Raymond sa matinding buntong-hininga ang bigat ng emosyong biglang dumagan sa kanyang dibdib. Para mapanatili ang balanse, sinakyan niya ang nakaumang na kadaldalan ng tindero ng sari-sari.

Hanggang dumating ang inaabangang traysikel ni Wilson, nanatili si Raymond sa harap ng tindahan. Nakikipagdaldalan, habang panay ang sulyap, sige sa pagbuga ng mga hindi sinserong pangungusap, unti-unting iniipon ang lakas ng loob para tuparin ang lunggating makausap sa wakas ang lalaking kaytagal hinintay.

Naging paborito niyang oras ang alas sais kuwarenta y singko sa umaga. Iyon ang oras na unang nasilayan si Wilson gamit ang bagong mga mata. Iyon din ang higit na sumusundot sa kanyang puwit para agad tumayo sa hinihigang kama at maghanda bago pa magdilat ng mata ang buong pamilya. Habol ni Raymond ang saglit na sulyap sa lalaking itinatangi, sa harap ng tindahan nina Aling Violy, uma-umaga.

Nabawasan na nga ng madalas nilang pagkukuwentuhan sa mga walang kakuwenta-kuwentang bagay ng tinderong si Noli ang kanyang pagiging hindi sinsero. Unti-unti, tunay na ang mga tawang pinapakawalan niya sa tuwing may binabanggit na biro ang madaldal na tindero. Aba, mahirap din ang nakaupo lang maghapon at walang makausap, maliban sa mga bumibiling mas pinahahalagahan pa ang binibili kaysa nagbebenta.

“Ano ba ang ginagawa mo sa tindahang yon? Bakit ang tagal mo parating bumili?” tanong ng kanyang ama, isang umagang hindi maganda ang gising nito.

“Wala lang. Nakikipagkuwentuhan kay Kuya Noli.”

“Sinong Noli?”

“Yung nagtitinda kila Aling Violy.”

“Yung bakla? Bakla yon, a.”

Tumaas ang kaliwang kilay ni Raymond. “Oo nga.”

Sasagot pa sana ang kanyang ama (na sasagutin din ni Raymond, kung sakali) pero sumabad na ang kanyang ina: “O siya, siya. Bilis-bilisang kumain at mahuhuli na sa pagpasok. Sige na. Ikaw, Raymond, bilhin mo na ang bibilhin mo.”

Alam ni Raymond na hindi tanga ang kanyang mga magulang. Imposibleng hindi naririnig ng mga ito ang kulot sa kanyang boses; ang kakatwang pagtutok niya sa telebisyon sa tuwing mayroong palabas na pinagbibidahan si Aga Muhlach, Ian Veneracion o kung sinumang mestisuhing artistang lalaki. Imposible.

Pero nararamdaman naman niya sa mga pagkakataon tulad noong umagang iyon, unti-unting nawalan ng pakialam ang mga magulang niya. Hindi man ideyal ang pagtanggap sa kanya, higit na mabuti pa rin kaysa palayasin siya ng bahay. O alisan ng mamanahin. O ilublob sa dram na punung-puno ng tubig.

Matapos maligo, magbihis ng uniporme sa kolehiyo, mag-ayos ng buhok na may pagkabuhaghag, magpabango, kumain ng agahan at magsipilyo, lumabas ng bahay si Raymond, bitbit ang biniling tsokolate kinagabihan. Kampante niyang iniwan ang nag-aagahan pang ama, ina at nakatatandang kapatid para tupdin ang pangumagang ritwal ng pakikipaghuntahan sa baklang tindero. At siyempre: muling abangan ang pag-aabang ni Wilson ng traysikel.

Tumabi siya sa babaeng nagbubukas ng lata ng sardinas at saka binati ang tindero.

“Hi kuya.” Mukha na naman itong wala sa sarili, isip ni Raymond.

“Hi, Raymond. Anong bibilhin mo?”

“Wala naman. May ibibigay lang ako sa iyo.” Ipinatong niya ang tsokolate sa pasimano ng bintana, sa tabi ng nagsisiksikang mga plastik na garapon.

At sa sandaling iyon, lumingon siya at nakita ang langit sa araw-araw: nandoon na naman si Wilson, sa harap ng tarangkahan nina Mang Vergel at Aling Menchie.

At sa sandaling iyon, naisipan ni Raymond na tapunan ng matamis na ngiti ang lalaking bida sa kanyang mga panagimpan.


HINDI NAMAN SIYA BAGUHAN, kung tutuusin. Nakatatlong relasyon na siya, ngunit hindi seryoso ang mga iyon. Batid ni Wilson, hanggang sa kama lang ang koneksyong pinagsaluhan nila ng mga naunang karelasyon: wala na silang ibang mapag-usapan kung lalampas ang paksain sa paboritong posisyon sa kama, pinakamainam na oras ng pagtatalik at pinakasulit na motel.

Pagkaraan ng tatlong relasyong batay lamang sa pisikal na atraksyon, at pare-parehong hindi lumampas sa tatlong buwan: sa edad na beinte singko, inakala ni Wilson na naturol na niya ang sukdol ng pag-ibig para sa bakla. Walang magpakailanman sa relasyon ng dalawang lalaki.

Hanggang nakilala niya si Ryan.

Huling araw noon ng kanyang dalawa’t kalahating buwang relasyon sa ikatlong kasintahan, si Manuel. Huling araw ng kanyang pagtitiis sa mga pagsisinungaling at pagtataksil nito. Noong una, sinubukang intindihin ni Wilson ang kasintahan. Inisip niyang siya mismo ay hirap sa pagiging tapat sa kama, kaya hindi niya ito dapat asahan mula kay Manuel. Isa pa, kung gusto niya ng tapat na karelasyon, sa kanya dapat ito magmula. Kaya binura niya ang lahat ng mga numero sa cellphone na maaaring maging tukso. Kaya namitig ang leeg niya sa pagpipigil lumingon sa mga lalaking may balani ang pagmumukha. Kaya pilit niyang inigpawan ang koneksyong pisikal at sa unang pagkakataon: nagtangkang magmahal.

Pero nagpatuloy pa rin si Manuel. Ilang beses itong nahuli ni Wilson, nakikipagpalitan ng text messages sa kung sino-sinong lalaki. Dalawang kaibigan pa niya ang nagsabing nakita itong may kasamang ibang lalaki, noong Sabado ng gabing nagdahilan itong sinusumpong ng nangangasim na sikmura kaya hindi nakipagkita kay Wilson.

Nagdesisyon lamang siyang tapusin ang katangahan noong araw na nakilala niya si Ryan. Noong harap-harapan siyang pinagtaksilan ni Manuel.

Nanood sila noon ng sine. Sa kalagitnaan ng pelikula, tumunog ang cellphone ni Manuel. Mayamaya, tumayo ito at nagpaalam na pupunta ng banyo. Dalawampung minuto na ang lumipas: nagkaanak na ang bidang babae, nagkaapo na ang bidang lalaki, gininaw na si Wilson sa lamig ng sinehan, walang Manuel na bumalik.

Sumunod siya sa banyo at sinampal ng katotohanan ng panloloko ng kasintahan: nakikipagtalo ito sa isang lalaking namumula ang mga pisngi at panay ang kumpas ng kamay. Nasa harapan sila ng kambal-kambal na lababo, parehong nakatingin sa kanilang repleksiyon sa salamin—walang kuwentang pagtatangkang magpakadisimulado. Iiling-iling ang nakangising janitor sa dulo ng banyo, naglilinis ng wala namang duming baldosa.

Hindi na kinailangang magsalita ni Wilson. Sumapat na ang pandidilat ng mga mata ni Manuel nang makita ang kanyang dumagdag na repleksyon sa salamin. Lumabas si Wilson ng sinehan nang hindi tapos ang pelikula pero tinapos na ang relasyon.

Dumiretso siya sa isang Internet café at nakipag-chat. Doon niya nakilala si Ryan. Ibinuhos niya ang pait ng dibdib kay Ryan, isang pagsasamantala sa bagong kakilala. Nakinig naman ito. Pagkuwa’y nagyayang magkita sa personal. Malapit lang pala ang tinitirhan mula sa Internet café.

At nagsimula ang kanyang tatlong taon at dalawang buwan sa piling ni Ryan na nabigong maging makatotohanang magpakailanman. Dahil natapos lamang muli, sa loob ng sinehan, ang lahat.

Pinapanood nila noon sa dilim at lamig kung paanong umiyak ang bidang babae sa kaligayahan habang naglalakad patungo sa altar, nang pawalan ni Ryan ang bombang lumasog sa puso ni Wilson: “Mag-aasawa na ako.”

Tama-tama nga naman ang pagkakataon. Namamalirong na ang nguso ni Wilson sa paghagulgol sa pelikula; hindi na mahahalata kung lalo pa siyang lumuha dahil sa bagong balita. At iyon nga ang ginawa niya. Isinahod niya ang panyo sa dalawang mata at kinagat ang isang kamao, habang panay ang alo sa kanya ni Ryan. Umiyak rin ang kanyang mahal, batid ni Wilson. Umuwi siyang basa ang kaliwang balikat at lugmok ang puso.

Mula noon, wala pang muling nahalikan o nayakap si Wilson. Dahil ang totoo, bagaman hindi na siya umiiyak gabi-gabi at kahit tinatanggap na ang mga imbitasyon ng mga kaibigan sa mga hapunan kasama ang isang bagong kakilala, iniinda pa rin niya ang pagkabigo sa unang seryosong pakikipagrelasyon.

Ipinakilala ng umaga sa kanya ang isang kabalyerong lulan ng abnormal na kabayong bakal na may tatlong bilugang gomang paa: si Boyet. Dumating ito isang umagang malakas ang buhos ng ulan at naging mahabang pusali ang kalsada. Hindi makapaglakad si Wilson hanggang kanto dahil mababasa ang likod ng kanyang pantalon at marurumihan ang suwelas ng bagong biling sapatos na balat.

Simbilis ng lintik mula sa langit, dumating ang kabalyero, nakasuot ng malinaw na plastik na poncho, nakasandong itim sa ilalim at tinastas na maong para maging shorts. Tumigil ito sa harapan ni Wilson at nagtanong: “Boss, saan kayo?”

Mula noon, kahit hindi umuulan at nagpuputik ang kalsada, nag-aabang na ng traysikel si Wilson tuwing umaga. Hindi siya sumasakay sa iba, maliban sa kanyang kabalyero.

Unti-unti, lumampas sa usapin ng destinasyon ang kanilang usapan: hiwalay na pala si Boyet sa asawang babae, pero dahil kasundo ang kanyang biyenang lalaki, nakikitira sa bahay ng biyenan. Kasama niya doong ang tatlong anak—dalawang lalaki at isang babae.

Noong umagang iyon, habang hinihintay ang pagdating ng kanyang kabalyero, napatingin si Wilson sa tindahan ni Aling Violy. Noon lamang niya napansin, kaya biglang napaisip: kataka-taka: laging kasabay sa pag-aabang kay Boyet sa umaga ang pagbili sa tindahan ng nakababatang kapatid ni Edgar. Ano nga ba ang pangalan? Raymond? Malambot itong kumilos. Dati, nahuli pa nga niya itong naglalaro ng manyika. Katatapos lang nilang maglaro ng basketball noon at nakiinom siya sa bahay ng kababata. Hindi kaya inaabangan din nito si Boyet?

Nang makita ni Wilson ang ngiting ipinukol ni Raymond, bantulot niyang ginantihan ito.


SA PANDINIG NI BOYET bilang ama, gutom ang mga hikbi ng bunsong gumigising sa kanya tuwing alas singko ng umaga. Gutom sa masustansiyang pagkain. Gutom sa pagmamahal ng ina. Nahirati kasi ang anak na katabi si Elena. Mula nang ura-urada itong makipaghiwalay at sumama sa ibang lalaki, naging mababaw at maikli na ang tulog ng kanilang bunso.

Ang mga hikbi ng bunsong anak sa umaga ang paulit-ulit na paalala kay Boyet ng tungkulin na dapat tupdin bilang ama. Ito rin ang mga hikbi sa umagang paulit-ulit na isinusumbat kay Boyet ang kanyang pagkabigo bilang bana.

Iyon ay sandali lamang ng kahinaan. Sinuman ay bibigay, kahit saglit, kung buong buhay na nagkukunwaring malakas. Dahil wala namang taong lakas lamang ang taglay. Ang kahinaan, ang pagyupyop, ay nakasingit sa mga siwang ng marupok na laman.

Nag-uwian na ang iba pa nilang kainuman noon. Silang dalawa na lang ni Toto ang natira sa sahig ng sala. Nakiusap kasi itong makitulog sa bahay nila ni Elena, hindi na kayang iuwi ang sarili. Kumakatok na ang antok na dulot ng alak nang biglang magsalita ang bisita.

“Pare, type mo ba ako?”

Nagulat siya sa tinuran ni Toto. “Ano?”

“Alam ko naman, pare. Matagal nang masama ang tingin mo sa akin.”

“‘Tanginamo, pare.”

“‘Tanginamo rin.”

Katahimikan.

Si Toto ulit: “Sige na. Gusto mo naman, di ba? Pagbibigyan naman kita, e.”

Patapos na sila: naninigas na ang mga binti ni Toto, nasusuka na siya sa pagkayod ng matigas at nanlalagkit na laman sa ngalangala. Saka naman naisipang pumunta ni Elena sa sala.

Hindi nila pinag-usapan ang pangyayari. Hindi alam ni Boyet kung paano sisimulan ang pagpapaliwanag. Hindi alam ni Elena kung paanong magsasalita habang namamaga ang mga mata at may bikig sa lalamunan. Ilang araw lamang naghingalo ang relasyon nila bilang mag-asawa.

Nagising na lang si Boyet sa atungal ng bunsong babae, noong madaling araw na umalis ang asawa nang walang paalam. Iyon ang katapusan ng palugit na ibinigay ng may-ari sa pagbabayad ng kanilang upa sa bahay. Dahil ang asawa ang nagbibigay ng kalahati ng gastusin—nagtatrabaho sa tupada si Elena—hindi na naghintay mapalayas si Boyet. Bago pa sumikat ang araw, pinuntahan niya ang biyenang lalaki kinabukasan at nakiusap kung puwedeng doon makitira, kasama ang tatlong bata. Mapagmahal talaga sa apo ang biyudong ama ni Elena, kaya tinanggap pa rin ang nagtaksil na manugang. Ang huli niyang balita, nakikisama na si Elena sa isa sa mga sabungerong nakatira sa mamahaling subdibisyon.

Ang kita sa pamamasada ng traysikel ang tanging inaasahan nilang mag-aama sa ngayon. May bulung-bulungan siyang naririnig kung minsan, sa mga kasamahan sa TODA, pero hindi na lang niya pinapansin. Pagkatapos ng naganap sa kanilang dalawa ni Toto, hindi na muling nakipag-inuman sa mga kasamahan si Boyet. Hindi na rin siya iniimbitahan ng mga ito.

Pero wala na siyang pakialam. Matagal na siyang nawalan ng pakialam sa sasabihin ng mga tao. Pagkatapos kumalat ng tunay na dahilan ng pakikipaghiwalay ni Elena, wala nang makakakanti pa sa kahihiyan niya. Mas masakit ang kalam ng sikmurang walang laman kaysa teingang nakakarinig ng walang kawawaang tsismisan.

Nakakasumpong na lang si Boyet ng ginhawa sa pakikipaghuntahan sa mga taong hindi nanghuhusga. Kaya napapadalas ang pagtambay niya sa tindahan ni Aling Violy. Nagigiliw siya sa pakikipagkuwentuhan sa pamangkin nitong tindero. Oo nga’t may pagkamaingay at kaunting lantod, dahil panay ang hampas sa braso niya sa tuwing nabibiro, pero hindi ito nanghuhusga ng kapwa. Maraming alam si Noli sa mga kapitbahay pero hindi ito naringgan ni Boyet kahit minsan ng kahit anong mapanirang pangungusap tungkol sa kapwa.

Umiibig na nga ba siya sa tindero? Nitong mga nakalipas na araw ay nauukilkil ni Boyet ang sarili. Sa tuwing dinadaanan niya ang suking pasaherong si Wilson—na may kabaitan at mapagkakatiwalaan din, mahilig itong makipagkuwentuhan sa kanya ng mga personal na bagay—napapansin niya ang pagtutuwid niya ng postura, ang pagpapalabas ng mga masel sa braso, ang paglinga-linga nang disimulado. Umaasa siyang maakit ang tindero.

Nang matanaw ni Boyet ang naghihintay na pigura ni Wilson sa tapat ng tindahan ni Aling Violy, muli niyang pinatikas ang postura ng katawan. Saka sumagi sa isip ng traysikel drayber ang alaala ng pagmamahal na minsang iniukol niya kay Elena.

Tunay ngang misteryo ang pag-ibig, bulong niya sa sarili. Hindi masiguro kung sino ang susunod na tutudlain.


Si CHUCKBERRY J. PASCUAL ay kumukuha ng PhD Malikhaing Pagsulat sa Filipino sa UP Diliman. Ang kanyang mga maikiling kuwento at kritikal na sanaysay ay lumabas na sa Philippine Studies, Likhaan, Ani, Daluyan, Literary Apprentice at Philippine Collegian.
  • Job Opening: Writer/ Editor for Gallup UAE
    Writer / Editor – Public Opinion PollingRequisition ID 01412The RoleWe are seeking highly intelligent journalists with Middle East regional experience to bring to…
  • The 2010 Caketrain Chapbook Competition
    Deadline: 1 October 2010Geographical restrictions: noneReading Fee: $15Accepts (genre): fiction manuscripts (both novellas and collections of shorter works are…
  • The $5000 Lions International Essay Contest for the Visually Impaired (worldwide)
    Deadline: 15 November 2012Lions clubs around the world are encouraged to sponsor students in the Lions International Essay Contest. This contest was created to…
Related Opportunities:
Ranked: 500 highest-paying publications for freelance writers
The Freelance 500 Report (2015 Edition, 138 pages) profiles the highest-paying markets, ranked to help you decide which publication to query first. The info and links in this report are current. Details here.